Tindahan ni Tatang
Saturday, December 30, 2006
Ang Mga Suliranin
Ang talakay ko ngayon ay ang aking trabaho. Siguro sa mga susunod na buwan lilipat na ako ng trabaho. Halos dalawang taon na ako sa aking kinalalagyan. Medyo mababa ang aking pinagsimulan kung sahod ang pag-uusapan. Ngunit ako ay masaya at ibang-iba and tema ng aking boss. Hindi mahirap kundi diretsahan. At magaling makinig.
Hindi ko nga lang alam kung ang mga susunod kung mga boss ay magiging ganuon rin. Ang alam ko ay ako ay makikibaka sa kanilang araw-araw na problema. Kung ganuon man, siguro ay magiging husto ang aking buhay kasama sila.
Tuesday, November 22, 2005
A Letter from a Priest
Dear LSQC Alumni,
Ang sanggol sa sabsaban ay naging isang tao na
bukas-palad na itinalaga ang sarili bilang lingkod ng
Diyos, Manunubos at Manggagamot na dakila. Diyos
Siyang nagpakababa at naging aba tulad natin upang
hindi tayo mag-alinglangan o matakot na lumapit sa
Kanya. Siya ang “sanggol na hulog ng langit!”
Ang Diyos ay muling nagpaparamdam at nagpapaalala sa
atin ng Kanyang pakikibahagi sa ating pagkatao tuwing
mayroong mga tao na ibinabahagi ang kanilang panahon,
yaman o talino upang tulungan ang mga kapatid nating
kapus-palad at salat sa buhay.
Ang Diyos ay nakikipamayan sa atin tuwing naglalaan
tayo ng tulong para sa mga nangangailangan, kahit
isang kusing man lamang o isang basong tubig.
Dahil dito ako po ay kumakatok sa inyong mga puso para
sa kapakanan ng mga batang mahihirap na
nangangailangan ng inyong kagandahang loob upang
magkaroon sila ng isang masaya at makahulugang Pasko
sa taong ito. Ikaw sana’y maging “hulog ng Langit”
para sa kanila.
Mahigit na isang daang kabataan (100) ang
pagkakalooban natin ng tulong sa Paskong ito. Bakal
ang tawag sa kanila o mga BAtang KALye. At ngayon ay
may mga Pamikal o PAMIlyang KALye. Magkakaroon po
sila ng isang misa, isang salu-salo at pagkatapos ay
bibigyan sila ng regalo.
Umasa po kayo na anumang tulong ang inyong
ipagkakaloob ay tatanawin naming malaking utang na
loob. At ang Panginoong Jesus na isinilang na mahirap
ang siyang gaganti sa inyo at sa inyong mga mahal sa
buhay dahil sa inyong kagandahang loob.
Gumagalang,
Fr. Troy de los Santos, capuchino
Punong Lingkod
Friday, July 02, 2004
Ayun! Umalis!
Bilog na naman ang buwan. Problema na naman. Suliranin.
Umalis and isa kong tauhan. Hindi naman masyadong magilas at magaling. Kung tutuusin, hindi nakatapos ng colegio. Hindi pa yata nagsimula. Ang katangian ay sa sobrang tagal sa trabaho, halos lahat kabisado. Ang problema, kapag nag-iba ang simoy ng hangin, nalilito siya at natataranta. Hindi nakatulong na may natanggal na siyang kasama nung isang buwan lang.
Kaya ayun, nuong Miyerkoles, nagsabi siyang aalis. Ang maganda pa diyan, hindi sa akin sinabi. Duon pa sa aking boss. Pagkatapos kong tulungan at bigyan ng pagkakataong ipakita sa lahat na kaya niya ang trabaho, umalis din. Ang problema, ang sabi pa sa boss ko eh naghihintay lang daw and kumpanya para paalisin siya.
Medyou galit sa akin ang boss ko. Siguro binibigay sa akin ang rason at umalis yung isa. Kung tutuusin iyan, dalawa ang tao sa grupong iyon. Natanggal yung isa pagkatapos ng limang taong pagsilbi sa kumpanya. Sa katotohanan, malaki ang kanyang pagkakamali. Kung ako din ang gumawa ng ganuon, todas din yung trabaho ko. Ang hirap naman duon sa natanggal, alam na nga niyang tinitingnan na siya. Inulit pa yung kanyang pagkakasala.
Pero ayun, natanggal na nga. Akalain mo ba ay tapos na ang istorya? Hindi pa po. Hindi nag-hire and kumpanya. Isang buwan kaming walang tulong sa grupong iyon. Eh di ano ang nangyari? Lahat ng trabaho, napunta duon kay Ekis. Si Ekis naman, nag-iisang nanay at tatay. May anak na sakitin kaya ayun puro absent. Basta alam na walang gagawin, nawawala.
Si Ekis eh nagsabi sa akin na alas-siyete ng umaga hanggang alas-kuwatro and kanyang trabaho. Anong oras kung dumating? Mga alas-nuwebe na po. At kung aalis, paminsan-minsan, palagay ko ay alas-tres pa lang ay wala na. Ano po ba ako? Istupido? Hindi ko ba napapansin iyan? Pero ayun, wala akong sinasabi. Ang dahilan ko ay kung natapos yung gawa, okay lang.
Subalit yung natatapos ay yung pinakamaliit at pinakaimportante. Yung araw-araw na gawa ay wala sa kahit ano. Natatapos ba iyong mga nasa listahan? Hindi.
Kaya ayan, ngayon ako naghahanap ng ibang taong puwedeng pumasok. Kung may kilala kayo, sige, ipadala na lang ninyo sa akin yung ngalan at resume.
Thursday, May 06, 2004
Mga suliranin sa trabaho
Bilang isang permanente sa trabaho, dumami ng dumami ang mga aking ginagawa. Sobrang dami na nga na para bang nalunod na yata ako. Dahil duon, nagkakamali ako. Bawat pagkakamali ay kailangan ng dokumentasyon.
Mabuti na lang at ang aking girlpren ay isang mabait at maunawaing tao. Nagkausapan kami at sinabi ko ang ang mga suliranin. Hindi ko alam na nuong una kaming nagkikita, na siya rin ay nagkaroon ng isang boss na micromanager. Mabuti na lang at sinabihan niya ako ng mga paraan para talakayin ang aking mga suliranin.
Kailangan kong bigyan ng update. Kailangan ko ring sabihin kung gaano katagal. At kailangan ko ring mag-meeting at bigyan ko siya ng realistik na oras upang matapos ang mga project.
Sige kabayan, naghihintay ang mga paraan para maayos ang mga suliranin.
Monday, January 19, 2004
Sinta
Gaano mo kamahal ang iyong kasintahan? Ganito ang tanong na pumapasok sa aking ulo habang siya ay naglilinis ng labinlimang taong dumi sa tirahan ko. Paano ko nga ba nakuha siya? Siguro nga ay bilin at regalo siya sa akin ng Diyos. Isang pagkakataong binigyan ako ng biyaya ng humiling ako kay Tadhana.
Hindi ko maiintindihan kung paano nga ba nagkakatugma ang mga relasyon ng tao. Napakatagal ko ring humanap ng isang taong makikipagsapalaran sa mundo. Magaganda lagi ang kinukuha ko. Marikit sa mata. Ngunit sa loob naman ay puro kalungkutan ang dala nila. Isang kantang walang tugma, kung baga.
Napakasuwerte ko na sa aking buhay ako ay nakatagpo ng isang magandang babaing marunong at maunawa. Hindi niya binabalewala ang aking mga buntong hininga. Pinalilipas na lang na parang masamang hangin. Sige, ba-bye, sabay talikod. At basta naman ako nagkakasakit, nanduon rin para may suporta sa isang naghihingalong may sakit.
Salamat lang Bathala. Naway hindi kita kukutyain sa iyong regalo sa akin.
Tuesday, December 16, 2003
Tiyanak at Tikbalang
Tiyanak:
gising na... gising na...
gumagabi na naman dito sa Amerika
sa gitna ng gabing walang kadiliman
kailangang magtrabaho sa alinsangan.
Tikbalang:
katutulog ko lang, ano ba?
kayhirap kagabing ako'y umakyat
sa mga punong walang dahon
winaktil ng kapanahunan.
Tiyanak:
kalahati ng kalahating taon
ang lamig ng hangin na ating
nadidinig sa liyab ng gabi.
huwag nang pansinin, ito ang sabi.
Tikbalang:
kaydaling mag-asa sa iba ng
ating pangarap. ngunit kayhirap din
pala dito sa Amerika. Bawat butil
ng pawis isang litro ng buhay.
Tiyanak:
hayan, natulog na ang araw
lalabas na si buwan.
magmadali ka! hilamusan ang mukha
naghihintay ang kalamigan ng gabi.
Magpalalaki Ka Joey Marquez!
Tanong ni Joey Marquez ay bakit daw sinabi pa ni Kris Aquino sa buong bansa na dapat siyang magpalalaki.
Eh paano iyan Mayor, binubugbog mo na iyong babae, tapos tututukan mo pa ng baril.
Tingnan natin. Bugbog. Tutok baril.
Eh, siguro nga eh dapat kang magpalalaki dahil sobra-sobra na ang iyong pagmamahal kay Kris.
Sayang, ganda sana ng politika mo. Ngayon, tapos ka na.
Monday, December 15, 2003
Tikbalang, Kapre, Tiyanak at Aswang
Lumabas kagabi ang mga alagad ng aking guni-guni. Nasiyahan silang nakinig habang ang hapag-kainan ay naging papel na kung saan isinulat ang kanilang mga daing. Sayang nga lang at puro katakutan ang lumabas. Hindi nila masyadong nagustuhan na sila ang kalaban ng relihiyong Katoliko. Nais nilang bumalik na lang sa dati nilang buhay. Nuong sila ay ang may kapangyarihan sa mundo.
Ngunit ngayong imigrante na sila sa Amerika, itutuloy na rin nila ang kanilang pagsabak sa lamig at sa puwing ng mga Amerikanong buhay.
Saturday, December 06, 2003
Mahirap ang Buhay
Nakausap ko kanina ang isang pinsan ng aking irog. Tinanong ko kung paano ang kanyang pag-aaral. Hindi maganda ang kanyang sagot. Hindi daw niya maintindihan ang kasaysayan ng America pagkatapos ng digmaan ng mga norteng probinsiya laban sa mga probinsiyang timog. Nahihirapan siya dahil tinatamad na siyang mag-aral maski madami siyang oras.
Halos mga limang taon na siyang nag-aaral sa Amerika sa kolehiyo. Ngunit nagkamali sila dahil nagpunta sila sa kolehiyo ng Heald nung wala pang akreditasyon ang paaralang iyon. Kaya sa ganuon palad, ang mga pinagaralan nilang klase nitong nakalipas na tatlong taon ay hindi puwedeng ilipat sa kolehiyo ng probinsiyang California. (Tama nga ba na ang tawag ko sa California ay probinsiya? )
Kasalukuyan niyang kinukuha ang klase sa pamamagitan ng panunuod sa video at pagdalo sa mga panayam ng mga guro. Ngunit ang pagkakamali niya ay ang pag-aaral ng aklat dalawang araw bago ang pagsusulit. Ang payo ko sa kanya ay gumawa siya ng mga kard para makabisa niya ang mga paksa ng kanyang klase.
Ngunit, siya ay 23 anyos na. Ang kanyang pamamaraan ng pag-aral ay matigas na. Maski sabihin ko sa kanya kung paano dapat magaral, ayaw na niyang gawin. Sabi niya, umuubra ang kanyang paraan. Kung talagang umuubra, dapat ay pumapasa ka sa iyong klase.