Tindahan ni Tatang
Sunday, November 23, 2003
Paghanap ng mga Sumusulat
Halos dalawang oras akong naghahanap sa mga mangsusulat ng Tagalog. Napakahirap talaga dahil para silang nakatago sa ilalim ng lupa. Ni hindi ko naman mahanap sila sa blogger dahil ang "search" function ay medyo mahina. Kaya ang istilo ko ay paghanap ng isa-isa. Ginagamit ko ang google at sinusulat ko ang keyword na: blogspot, Tagalog at isang titig katulad ng pagkain, mahal o kaya naman ay sariwa. Tapos, binibisita ko ang mga blog na lumalabas.
Ang gagawin ko para lang makabasa ng mga Tagalog.
Friday, November 21, 2003
Kanin sa Microwayb
Para sa mga binatang walang naghahalubilo ang sulat na ito. Kapag ang kanin ay nasa reprigeraytor ng matagal, malamang, titigas iyon. Nagtatangal ng tubig ang reprigeraytor. Kaya, bago ninyo ilagay at painitin sa microwayb ang kanin, lagyan muna ng kaunting tubig. Ilagay sa medyum at painitin. Todo-todo ang sarap ng inyong painit maski isang linggong nangangarilang sa reprigeraytor.
Wednesday, November 19, 2003
Hay(na)ku, Tatang
Nagsimula na naman ako ng bagong pahina para sa tulang hay(na)ku. Napakaganda palang magsulat kapag iyong naiintindihan ang hulmo ng tula. Ayun pinagaayos ko duon ang mga katha ko para sa inyong katuwaan.
Sinubukan kong isulat ang mga usapan ni Marcos at Aquino ngayong namamayapa na sila. Sigurado kong silang dalawa ay nasa mabuting kalagayan at nanahimik na ngayon. Siguro, ito ay magiging sagabal sa mga ating mambabasa dahil mahirap isiping nasa impiyerno o langit ang dalawang magkalabang mortal. Ngunit, hindi nga ba pwede? Impiyerno kay Marcos ang pagkausap kay Aquino habang katapusan. Langit kay Aquino ang pagusap kay Marcos habang katapusan. Isang dialektikong bilog.
***************
Nakipagusap ako sa mga tiyuhin ng aking sinta nung Biyernes. Sabi nila, ang Tagalog mula sa Rizal ay ang pinakamagandang pagsasalita sa mga Tagalog. Talagang puro ang kanilang pagsasalita at para bagang mga makata silang bumaba mula sa alapaap ng Diyos.
Sabi ko naman, nais kong isuma ang aking danas sa Amerika sa aking mga tulang Tagalog.
Tuesday, November 18, 2003
Saturday, November 15, 2003
Paghanap
Naghahanap ako ng mga Pin@y na sumusulat sa Tagalog o kaya ay sa mga ibang salita na mula sa Pilipinas. Gusto kong maranasan ang mga kanilang pangkaraniway buhay sa Amerika, Australya o Pilipinas. Parang isang lumot ng buhok na aanihin kong parang palay.
Karamihan sa ating mga kababayan ay natutulog katulad ng mga taong natutulog sa matris ng Matrix. Hindi natin naiintindihan ang mga lubid na gumagapos sa ating pamumuhay at pagiisip. Mas magandang tayo ay mahimbing na natutulog at sumasagawa ng mga panaginip na nagsisilbi para sa atin lang.
Sabagay, sino pa kaya ang ating pagsisilbihan kundi ang ating sarili? Kaya ka nga umalis sa iyong bansang sinilangan ay para makabuti ang iyong kalagayan.
Ngunit, gayuon nga ba ang buhay natin? Pagsisilbi nga lang ba sa sarilli?
Friday, November 14, 2003
Pagkawala
Nung huling Linggo, nagpunta ako sa tindahan ng libro na ngalan ay Eastwind. May basahan kasi ang aking sinta kaya ako'y nanuod. Dahil mahigit isang oras din ang aming pagkaaga, ako'y tumingin at nagbasa ng mga librong tungkol sa Pilipinas. Isa na rito ang librong sinulat ni Epifanio San Juan. Isa siyang iskolastiko na ang pakay sa mundo ay tungkol sa mga paksang kolonyalismo at ang kahulugan nito sa mga Pilipino.
Pagkawala ang salin ko sa "dislocation." Siguro ang ibang tao ay may ibang salin nitong titig na ito. Ngunit ang salin ko ay "pagkawala" sa sarili, sa panahon at sa lugar.
Sa iba't-ibang panahon, naranasan ko ang pagkawala ko sa sarili. Yun bang parang wala akong kahulugan sa mundo. Maski ako'y nasa Amerika, parang walang kahulugan at walang direksyon.
Ngayon, ako ay naghahanap ng mga paraan para mabigyan ng kahulugan ang aking pagkasarili. Sa kasalukuyan, ako ay nagtatangkang tangalin ang kolonyalisma sa sarili.
Sunday, November 09, 2003
Kaarawan ng Nanay
Maligayang kaarawan sa aking nanay na namayapa mula sa mundong ito.
Matagal-tagal na rin ng iniwan ng nanay ko ang paghihirap at pighati ng mundong ito. Nais kong isipin na handa na siyang umalis ng narating na niya ang kanyang hinahangad. Umalis sa mundong ito ang aking nanay nung nakapagluto siya ng kahit anong pagkain mula sa Pilipinas at sa iba't-ibang parte ng mundo.
Nuong maliit pa siyang musmos, hindi marunong magluto ang nanay ko. May istorya siyang sinabi sa akin na ganito. Isang araw, inutusan siyang magluto ng itlog ng lolo ko. Takbo si inay sa kusina at gustong-gustong sumunod sa utos ng aking lolo. Kumuha ng mantika at inapuyan yung stove. Linagay ang itlog sa prying pan at inihanda ang lutong itlog. Ang prublema nga lang ay hindi nabiyak yung balat ng itlog! -
-
Sa mga huling taon ng buhay niya, ang nanay ko ay nagsimulang mag-aral ng pagluluto. Siguro ito ay dulot na rin na wala siyang apo nuon at kailangan niyang hindi malungkot sa buhay sa Amerika. Nais kong isipin na siya ay nasiyahan na din maski wala siyang apo. Alam naman niyang ang tatlo niyang anak ay nakatapos na rin sa pag-aaral.
Ang natatandaan ko ay kahit anong luto ang kanyang gawin, maski magsubok siya ng ilang beses, sa huli ay kanyang nagawang magluto ng malinamnam na pagkain. Tuwing umuwi ako sa siyudad ng mga anghel, ako ay nasasabik dahil nalalaman kung mayroong masarap na luto ang aking nanay. Ano kaya ang kanyang luto ngayon? Siguro dinuguan dahil iyon ang aking paborito. Siguro naman may isda dahil iyon ang paborito ng aking babaing kapatid.
Nang dumating kami sa Amerika, ang unang lutong naperpekto ng aking inay at itay ay ang pagluto ng chicharon. Naku, nung matiyempuhan nila na rapat pakuluin muna ang mga hiwa ng baboy bago ipirito ito, laking tuwa ang sumakop sa aming munting apartment. Yung chicharon ay isang tali sa amin sa buhay sa Pilipinas. Gaano man kahirap, kalamig at katakot-takot ang buhay namin sa Amerika, alam naming may chicharong nahihintay sa aming hapag-kainan tuwing Sabado at Linggo.
Ang huling natutunang iluto na aking nanay ay ang pinakahirap na matamis -- leche flan. Kung sino-sinong tao ang kanyang tinanong kung paano magluto nito. Sila ay ngumingiti lamang at hindi nagsasabi ng kanilang sikreto. Ngunit sa pagsubok-subok, natamaan ng aking nanay ang resiping nagbigay ng tamang tamis at tamang lambot ng leche flan.
May isang kasabihan na Africano, na ang pagburol sa isang taong namayapa mula sa mundong ito ay para sa mga taong naiwanan ng namayapa na. Ilang taon na rin nuong kami ay nagsabi ng aming mga salitang pangwagas sa aming nanay. Sa kasalukuyan, paminsan-minsan, naaalala naming magkakapatid kung ano ang sasabihin ng aming mga magulang sa nangyayari sa amin. Nais kong isipin na sa lahat ng nangyayari sa aming buhay ay naruruon ang aming mga magulang.
Ako ay nakarating sa isang lugar sa buhay na ang isip ay mas malakas kaysa sa gawa. Ang alaala ay hindi kailangang sundin ng anumang tradisyon. Subalit ngayong araw na ito, siguro, kailangan kung magtarik ng kandila para sa nanay at tatay ko.
Tuesday, November 04, 2003
Pagsubok sa Pagtinda ng Lupa
Ay naku mga apo ko, ako ay nasa gitna ng pag-aaral para sa aking lisensya sa real estate. Alam naman ninyo, kailangan natin ng gimik dito sa Amerika upang lagi tayong umasenso. Nasa isip ko, isang paraan para lumuwalhati ang buhay ko at ang buhay ng aking mga anak ay pumasok ako bilang lisensyado ng real estate. Kung makakatinda ako ng bahay at lupain, aasenso ng kahit kaunti ang buhay ko. Ang ganda pa nuon, hindi ko na kailangan pang tingang ang pagmumukha ng mga pangit na amo sa trabaho. Yun bang ang yayabang pero wala namang ibubuga. Ay naku, kalimutan na lang natin ang mga amo. Gusto ko ako ang amo ng aking sarili.
Apol, huwag kang magalala. Naiintindihan ko yata ang iyong gusto. Huwag ka na lang padaloydaloy pa diyan. Kung gusto mong gawin, dapat, gawin mo na. Maski ang Diyos ay hindi maghinhintay sa iyo.
Monday, November 03, 2003
Sa Simula
Magsimula tayo ng bagong pahina. Nais kong gamitin ang Tagalog sa aking pagsulat para hindi ko malimutan ito. Magdadalawampung taon na rin nuong iniwan ko ang Maynila at Pilipinas. Musmos pa lang ako nuon. Ngayon ay matanda na akong naghahandang magpamilya. Ngayon ko na raramdaman ang tawag ng aking wikang nakagisnan. Tuloy kayo sa aking tindahan.