Tindahan ni Tatang
Tuesday, December 16, 2003
 
Tiyanak at Tikbalang

Tiyanak:
gising na... gising na...
gumagabi na naman dito sa Amerika
sa gitna ng gabing walang kadiliman
kailangang magtrabaho sa alinsangan.

Tikbalang:
katutulog ko lang, ano ba?
kayhirap kagabing ako'y umakyat
sa mga punong walang dahon
winaktil ng kapanahunan.

Tiyanak:
kalahati ng kalahating taon
ang lamig ng hangin na ating
nadidinig sa liyab ng gabi.
huwag nang pansinin, ito ang sabi.

Tikbalang:
kaydaling mag-asa sa iba ng
ating pangarap. ngunit kayhirap din
pala dito sa Amerika. Bawat butil
ng pawis isang litro ng buhay.

Tiyanak:
hayan, natulog na ang araw
lalabas na si buwan.
magmadali ka! hilamusan ang mukha
naghihintay ang kalamigan ng gabi.



 
Magpalalaki Ka Joey Marquez!

Tanong ni Joey Marquez ay bakit daw sinabi pa ni Kris Aquino sa buong bansa na dapat siyang magpalalaki.

Eh paano iyan Mayor, binubugbog mo na iyong babae, tapos tututukan mo pa ng baril.

Tingnan natin. Bugbog. Tutok baril.

Eh, siguro nga eh dapat kang magpalalaki dahil sobra-sobra na ang iyong pagmamahal kay Kris.

Sayang, ganda sana ng politika mo. Ngayon, tapos ka na.


Monday, December 15, 2003
 
Tikbalang, Kapre, Tiyanak at Aswang

Lumabas kagabi ang mga alagad ng aking guni-guni. Nasiyahan silang nakinig habang ang hapag-kainan ay naging papel na kung saan isinulat ang kanilang mga daing. Sayang nga lang at puro katakutan ang lumabas. Hindi nila masyadong nagustuhan na sila ang kalaban ng relihiyong Katoliko. Nais nilang bumalik na lang sa dati nilang buhay. Nuong sila ay ang may kapangyarihan sa mundo.

Ngunit ngayong imigrante na sila sa Amerika, itutuloy na rin nila ang kanilang pagsabak sa lamig at sa puwing ng mga Amerikanong buhay.


Saturday, December 06, 2003
 
Mahirap ang Buhay

Nakausap ko kanina ang isang pinsan ng aking irog. Tinanong ko kung paano ang kanyang pag-aaral. Hindi maganda ang kanyang sagot. Hindi daw niya maintindihan ang kasaysayan ng America pagkatapos ng digmaan ng mga norteng probinsiya laban sa mga probinsiyang timog. Nahihirapan siya dahil tinatamad na siyang mag-aral maski madami siyang oras.

Halos mga limang taon na siyang nag-aaral sa Amerika sa kolehiyo. Ngunit nagkamali sila dahil nagpunta sila sa kolehiyo ng Heald nung wala pang akreditasyon ang paaralang iyon. Kaya sa ganuon palad, ang mga pinagaralan nilang klase nitong nakalipas na tatlong taon ay hindi puwedeng ilipat sa kolehiyo ng probinsiyang California. (Tama nga ba na ang tawag ko sa California ay probinsiya? )

Kasalukuyan niyang kinukuha ang klase sa pamamagitan ng panunuod sa video at pagdalo sa mga panayam ng mga guro. Ngunit ang pagkakamali niya ay ang pag-aaral ng aklat dalawang araw bago ang pagsusulit. Ang payo ko sa kanya ay gumawa siya ng mga kard para makabisa niya ang mga paksa ng kanyang klase.

Ngunit, siya ay 23 anyos na. Ang kanyang pamamaraan ng pag-aral ay matigas na. Maski sabihin ko sa kanya kung paano dapat magaral, ayaw na niyang gawin. Sabi niya, umuubra ang kanyang paraan. Kung talagang umuubra, dapat ay pumapasa ka sa iyong klase.



Wednesday, December 03, 2003
 
Araw ng Pagbigay Salamat

Isang linggo ang nakalipas nung nagdiwang kami ng pagbibigay salamat dito sa Amerika. Masaya ako at apat na araw na walang trabaho ang aking sinta. Apat na araw kong makikita siya, makukwentuhan, mahahalikan.

Paguwi niya mula sa unibersidad, agat kaming nagpunta sa palengkeng Ranch 99 para bumili ng ihahanda sa bisperas ng pagbibigaysalamat. Ang unang plano ay kumuha ng isdang pang-sushi. Habang nilakad ko ang likuran ng palengke, nakita ko na lang ang mga alimangong nasa luob ng aquarium. Napakarami nila. Nagkataon namang mura ang presyo ng mga alimango kung kaya't nagatubili akong bumili ng tatlo.

Iniluto namin yung mga alimango sa pamamagitan ng kumukulong tubig. Ayaw naming pasingawan ang alimango dahil matagal bago mamatay ito. Preskong-presko at lumalaban pa ang alimango nang naiuwi namin. Hindi nga kami sanay na magluto ng pagkaing lumalaban pa. Gakatuwa ang aming nadama nung nagluluto dahil para bagang isang larong bahay-bahayan ang aming buhay.

Pagkalipas ng kalahating horas, luto na ang lahat at nagsimula na kaming kumain. Tahimik lang habang kumakain dahil masarap nga ang sushi at ang alimango. Nagtanong siya kung ano nga daw ba ang mga dilaw na parte na nasa loob ng alimango. Mapait at mataba ang lasa. Ano nga kaya ang naruruon? Siguro mga bituka at laman-loob ang mga iyon. Pero, para namang sayang lang kung itatapon ito.

May nakita nga akong bumili ng isang dosenang alimango. Ay, tinapon lang yung mga shell! Nalanta na lang ang aking sarili dahil sa sayang na sayang talaga. Sana hiningi ko na lang at naiuwi upang ilagay sa ibabaw ng kanin.

Ewan ko ba kung bakit gustong-gusto ng mga Pilipino ang alimango. Kahirap kanin. Kailangang basagin ang balat ng alimango. Tapos, susundutin mo pa ang laman.

Pero, talagang masarap yung lasa eh. Siguro susubukan kong bumili ulit ng alimango.




Powered by Blogger